
Pinagdiwang sa Bayan ng Llanera ang ika-127 Taong Anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija
Alinsabay sa pag-alaala at selebrasyon ng ika-127 Taong Anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija, apat na natatanging bantayog sa bayan ang binasbasan at pinasinayaan kahapon, Ika-2 ng Setyembre, 2023. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Bantayog ng Sulong Llanera sa matatgpuan sa Barangay Mabini.
2. Bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Liwasang Bayan
3. Bantayog ni Hen. Mariano N. Llanera sa Liwasang Bayan
4. Bantayog ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija sa Barangay Victoria
Matapos ang pagbabasbas ng mga bantayog na pinangunahan ni Fr. Louie Caniza, ay sinimulan na ang pormal na programa sa isang panalangin na pinangunahan ni Ptr Alejandro Ordonio, kinatawan ng LLAMP. Sinundan ito ng pagpasok ng mga bandila ng Pilipinas at ng Pamahalaang Bayan ng Llanera. Pinungunahan ito ng mga kawani ng Llanera PNP at BFP Llanera. Dep-Ed Llanera naman ang nanguna sa pag-awit ng Pambansang Awit ng Pilipinas.
Matapos ito, isang mensaheng pagtanggap ang ibinigay ni G. Alejandro Galindez Jr, ang nakatagang opisyal para sa Turismo, Kasaysayan, Sining at Kultura sa Bayan ng Llanera. Isang makapatindig balahibong pagsasadula ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija ang ipinamalas ng mga piling mag-aaral ng Andres Bonifacio National High School.
Isa-isa ring nagbigay ng mensahe sina Kgg. Cherrie Pie Bugayong, Miyembro ng Sangguniang Bayan na nangunguna sa Turismo at Kultura, Pangalawang Punong Bayan Kgg. Hermogenes A. Tadiaman, Jr., G. Solomon De Guzman, Punong Tagapangasiwa ng Pamahalaang Bayan ng Cabiao bilang kinatawan ni Mayor Ramil Rivera.
Sa mensahe ng ating mahal na Punong Bayan Kgg. Ronnie Roy G. Pascual, napakahalagang kilalanin at bigyang halaga ng bayan ang ambag ng kasaysayan sa makabagong henerasyon. Ang mga aral ng nakaraan ang magsisilbing inspirasyon at gabay nating lahat para sa hinaharap. Pinasalamatan din at kinilala ng ating Punong Bayan ang lahat ng tumulong at patuloy na nagmamahal at nagpapahalga sa preserbasyon ng ating kasaysayan, sining at kultura.
Pinakilala ni Dr Rommel V. Espejo, ang Direktor ng IOLL ng NEUST ang panauhing pandangal. Naging panauhing tagapagsalita si Kgg. Emmanuel Calairo, Komisyoner ng Pambansang Komisyon ng Kasaysayan ng Pilipinas. Sa kanyang mensahe, kanyang binigyang diin ang pagpapahalaga sa pag-alaala sa ating kasaysayan sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bantayog at patuloy na pagsusulat at pagdodokumento ng ating mga danas bilang mga Pilipino. Sa kabila ng mga balakid na hatid ng modernisasayon, hinimok niya ang bawat isa na patuloy na pahalagahan ang kasaysayan ng ating bayan.
Isang napakagandang tula ukol sa Unang Sigaw naman ang inalay ni G. Raiven Alvior sa mga manonood. Bilang pagtatapos, pinangunahan ng Dep-Ed Llanera ang pag-awit ng Pilipinas Kong Mahal. Naging tagapagpadaloy ng programa si Kgg, Noel M. Antoiln, Pangulo ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan sa Bayan ng Llanera.
Maraming salamat po sa lahat ng nakiisa at tumulong sa tagumpay ng selebrasyon ng ika-127 Taong Anibersaryo ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija sa bayan ng Llanera. Espesyal din na pasasalamat kay Congressman Joseph Gilbert Violago at Madam Mikaela Violago sa pagpapahiram ng LED Wall at sound system sa ating naging gawain.
Mabuhay ang Bayan ng Llanera
Mabuhay ang Nueva Ecija