Skip to main content

HUMANS OF THE SERVICE #4:

Basahin ang istorya ng ating kababayang nagbigay inspirasyon na mula sa pagiging basurero ay naging sundalo ng dahil sa kanyang sipag at pagsusumikap. Saludo kami sa iyo kabayan.

HUMANS OF THE SERVICE #4:
Nag simula ang lahat sa pag pasok ko bilang isang applicant ng Philippine Airforce.
Naalala ko pa nung nag simula ang lahat sa simpleng pag sama-sama ko sa banda ng Airforce sa Clark. Kasabay nito, para ako’y may pera sa pang araw-araw, pinasok nila ako bilang isang Cargadores, basurero. Naging basurero ako sa loob ng base at kung di ako nag kakamali 1,800 Pesos ang sinasahod ko noon kada-buwan. Hindi madaling humawak ng basura, andoon na yung pagod, init, at siyempre ang hindi makasanayang amoy. Naalala ko pa noon na di ko maiwasang bumaba ang tingin sa aking sarili dahil sa estado ng aking buhay. Pinipilit ko noong makaipon ng pera para may pang-gastos ako sa pang-apply ko bilang sundalo, ngunit sa liit nga ng sweldo ay hirap na hirap talaga ako. Nagpapasalamat nalang ako sa Diyos na may mga mabuting loob na nagpapakain saakin noon. Umabot sa punto na naiiyak nalang ako sa hirap ng buhay, pero dito tumatag ang aking pagktao. At sa awa ng Diyos, dito rin pala iikot ang kapalaran ko sa Air Force.
Para pala sa mga hindi nakaka-alam, ang cargadores ay nagt-trabaho sa loob ng isang military base.
Noong naging Caragdores ako, natuto akong magtipid sa sarili at ingatan ang bawat salaping kinikita. Naalala ko pa noong ako pa ay nag aapply bilang sundalo, kinausap ako ng isang sarhento at sinabihan akong mag-aral ng mabuti at wag na wag susuko kahit gaano pa kahirap ang dadanasin. Ito ay lubusang tumatak saakin. Nagpapasalamat rin ako na ang mga taong nakapaligid saakin ay patuloy na sumuporta saakin at lagi akong sinasabihang magsumikap ako sa aking pangarap, at dahil dito, hindi ako sumuko.
Pero sa ilang taon na ako’y kumayod at nag pursigi, dumating na rin ang araw na naka pasok ako ng BMS or Basic Military School. Akala ko nung una na magiging madali ang lahat sa loob ng Training, pero isa rin pala ito sa pinaka mahirap na karanasan. Umabot rin sa punto na ako’y umiiyak at nagkaroon ako ng sakit sa loob ng training. Papalabasin na sana ako, pero muli, sa awa ng Diyos nakatapos ako at masaya ako bilang isang member ng BMT CLASS 2021 BRAVO “MANARAGTAS.” Dito ko rin nakita kung gaano ka tindi ang preparation ng Diyos saakin. Ngayon naiintindihan ko na kung bakit kinailangan kong dumaan sa hirap na dinanas ko bago ako makapasok sa pagiging sundalo.
Malaki talaga aking natutunan sa mga karanasan ko. Hindi man naging madali, pero totoo pala talaga yung sinasabi nila na ang pagiging masipag at matiyaga, dagdagan mo rin ng dasal sa ating Diyos, ay walang imposible. Hindi ko rin tatalikuran ang aking pinanggalingan at mas lalo na ang mga taong naging gabay at tulong sa pagkamit ko ng aking pangarap.
Sa wakas, mula sa pagiging isang basurero, ako’y sundalo na ngayon.
——————————————————————–
The Basic Military School is a school that serves the purpose of training our Direct Enlistees (Applicants with special skills) and Candidate Soldiers to become Enlisted Personnel in the Armed Forces of the Philippines.
For those who are interested in submitting entries, please don’t hesitate to send a message and send your story. “Humans of the Service” is not only of those in the military, but everyone who considers themselves as a public servant.
We would love to share your inspiring stories to motivate others in their own journeys!
Official Website of Municipality of Llanera