Skip to main content

HAPPY 67th FOUNDING ANNIVERSARY MUNICIPALITY OF LLANERA


Llanera was created into a municipality by virtue of Republic Act 1221 signed by President Ramon Magsaysay on May 11, 1955

Ang Dalumat ng Banuar A Mannalon
ni: Rommel V. Espejo

Ang salitang banuar ay mula sa konseptong banua/ banwa na dati–rati ay kilala lamang sa Timog Luzon, Visayas, at Mindanao. Ayon kay Zeus Salazar (2006) ang ili, banua, at bayan ay mga konseptong pampamayanan. Pamayanan na binubuo ng magkakaugnay na salik gaya ng pook, tao, tirahan, pamumuhay at pamunuan. Ang mga salik na ito ay matatagpuan sa ili, banua, at bayan. Dagdag pa niya, isa rin itong pook na mahalaga sa konseptwalisasyon ng panlipunang pagtatakda sa pag-aaral ng pamayanan. Lunduyan din ito ng pag-aatang. Lugar ng selebrasyon o pag-aalay. May mga pook na kusang atangan ng banua/ banwa. Lingid sa kaalaman nang marami na halos bawat bayan sa kapuluan ay may tinatawag na balian kung saanang mga lihim na karunungan ay sinusubukan. Dito ginaganap ang mga ritwal ng mga Babaylan.
Ayon kay Carro (1888:27) na nabanggit sa aklat ni Salazar (2006), ginagamit sa Luzon ang “ari” hari; ganap na panginoon o “senior absolute” at “ari a babay” (reyna o haring babae) ang pantukoy sa sinaunang pinuno ng mga Ikulo/ Ilokano. Bagamat ginagamit din nila ang “apo” upang tagurian ang isang respetadong tao o pari na ang “Panginoong Diyos” (Apo Dios) mismo, tila hindi naging taguri ang “apo” noong unang panahon sa isang pinuno ng “ili”. Dagdag pa niya, hanggang sa kasalukuyan, “ili” ang tawag ng mga Ilokano sa bayan o “pueblo”.
Para naman kay Salazar (1992:10), na nabanggit sa aklat ni Salazar (2006:13), “vanwa” ang tawag ng mga Ivatan ngunit tila nawala ito sa mga Ilokano, ngunit may “banuar“ ang mga ito, tulad ng makikita sa ekspresyong “banuar/banwar ti ili” o “bayani ng bayan” na malamang ay maiuugnay sa “vanua”/ “ vanwa” ng Ivatan bilang lugar sa batuhan na nagpapapasok / gumigiya mulang dagat patungo sa dalampasigan. Isang kahulugan din ng “banuar” ay patibong na gumigiya sa mga isda para mahuli ang mga ito. Tulad ng vanwang Ivatan, bagamat mas malaki ito “patibong” bilang lugar na pinagdarausan ng ritwal (vanu-vanwa) o seremonyal na inihahandang vanua/vanwa para papasukin sa mga isdang arayu. Binigyang kalulugan ang “bawar” na Iluko bilang bayani at pinuno ay gumigiya sa kanyang mga tauhan tungo sa nararapat gawin ng mga ito, katulad ng tungo sa “vanwa” ng Ivatan, para sa kapakanan ng ili.
Nakatala rin ang salitang banwar sa binagong edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino (2010). Binigyang kahulugan ang salitang banwar ng mga Ilokano bilang bayani. Isa itong pangngalang salita.Samantala, ang salitang mannalon ay isang katutubong Ilokanong salita na ang ibig sabihin ay magsasaka. Mannalon ang tawag ng mga taga Llanera sa mga magsasakang nagtatanim ng palay at gulay. Ginagamit din ang salitang ito sa Ilocos Norte kung saan ng ipinagdiriwang dito ang Mannalon Festival tuwing huling linggo ng Marso. Isinasagawa ang pagdiriwang bilang pasasalamat ng mga Ilokano sa masaganang ani ng tabako at palay ng mga magsasaka. (https://www.philstar.com/…/2008/04/05/54114/rice-festivals)
Gayundin naman ang bayan ng Cordon, Isabela, ginamit din ang salitang mannalon sa kanilang pagdiriwang ng sariling kapistahan. Kilala rin ang bayan ito bilang tirahan ng mga Ilokano kung kaya’t mannalon ang katawagang ginamit para sa salitang magsasaka. Tinawag din nilang Mannalon Festival ang kanilang pagdiriwang. Nakatuon ang kanilang pagdiriwang sa pasasalamat sa masaganang ani ng palay at ang mga aktibiti ay binubuo ng pagtulong sa mga mamamayan. (https://rmn.ph/mannalon-festival-sa-cordon-isabela…/)
Dahil na rin sa kinikilala ang naging gampanin ng mga “mannalon o magsasaka“ sa bayan ng Llanera bilang mga bayani mula noong panahon ng Himagsikang Kastila at Pilipino hangang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at sa kasalukuyan, ninais ng inyong lingkod, bilang kabahagi sa pagbuo ng festival, na angkatin ang kahulugan ni Salazar (2006), sa “banuar / banuar ti ili” o “ bayani ng bayan”.
Sa ganang ito, nabuo ang salitang Banuar A Mannalon dahil sa pagkakabit ng salitang Banuar at Mannalon o Bayani at Magsasaka. Dito lumutang ang konsepto ng isang festival na tinawag na Banuar A Mannalon Festival o Bayaning Magsasaka Festival.

Official Website of Municipality of Llanera