
BORDER CONTROL CHECKPOINTS SA LALAWIGAN, PINALAWIG NG NUEVA ECIJA- IATF HANGGANG SEPTEMBER 30
Juaneth Bondad
Pinalawig muli ng Nueva Ecija Inter Agency Task Force o IATF- NE ang ipinatutupad na paghihigpit sa mga border control checkpoints sa buong lalawigan at ito ay tatagal hanggang September 30, 2021.
Nakasaad sa ipinalabas na Resolution No. 5, Series of 2021 ng IATF-NE na pinirmahan ni Governor Aurelio M. Umali, Chairman ng IATF noong September 15, 2021, na mananatili ang paghihigpit sa mga border control simula 12:00 AM ng September 16 hanggang 11:59 PM ng September 30, 2021.
Sinabi ng NE IATF, dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan at sa mga kalapit na probinsya at may mga naitala na rin na Delta Variant ng COVID-19, kaya’t kinakailangan ang patuloy na paghihigpit sa pagpapasok sa Nueva Ecija.
Ito umano ay isang paraan para mapigilan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ang mga sumusunod na dokumento ay kailangan pa ring ipakita sa mga border checkpoint (kabilang dito ang mga residente ng Nueva Ecija)
upang payagang makapasok sa lalawigan:
1. Negative Antigen result, saliva, at RT-PCR Test (valid lamang sa loob ng 72 oras) bago pumasok ng lalawigan.
2. IATF issued APOR (Authorized Persons Outside of Residence) I.D/Pass
3. IATF Issued Border Pass
4. COVID-19 Vaccination Card na may detalye na fully vaccinated na ang taong may dala nito.
Kung hindi pa fully vaccinated, kailangan pa rin na magdala ng valid negative result ng antigen, saliva, at RT-PCR test.