Banuar A Mannalon at Dulansangan
Ang Banuar A Mannalon
Ang salitang banuar ay mula sa konseptong banua/ banwa na dati–rati ay kilala lamang sa Timog Luzon, Visayas, at Mindanao. Ayon kay Zeus Salazar (2006) ang ili, banua at bayan ay mga konseptong pampamayanan. Pamayanan na binubuo ng magkakaugnay na salik gaya ng pook, tao, tirahan, pamumuhay at pamunuan. Ang mga salik na ito ay matatagpuan sa ili, banua, at bayan. Dagdag pa niya, isa rin itong pook na mahalaga sa konseptwalisasyon ng panlipunang pagtatakda sa pag-aaral ng pamayanan. Lunduyan din ito ng pag-aatang. Lugar ng selebrasyon o pag-aalay. May mga pook na kusang atangan ng banua/ banwa. Lingid sa kaalaman nang marami na halos bawat bayan sa kapuluan ay may tinatawag na balian kung saanang mga lihim na karunungan ay sinusubukan. Dito ginaganap ang mga ritwal ng mga Babaylan.
Ayon kay Carro (1888:27) na nabanggit sa aklat ni Salazar (2006), ginagamit sa Luzon ang “ari” hari; ganap na panginoon o “senior absolute” at “ari a babay” (reyna o haring babae) ang pantukoy sa sinaunang pinuno ng mga Ikulo/ Ilokano. Bagamat ginagamit din nila ang “apo” upang tagurian ang isang respetadong tao o pari na ang “Panginoong Diyos” (Apo Dios) mismo, tila hindi naging taguri ang “apo” noong unang panahon sa isang pinuno ng “ili”. Dagdag pa niya, hanggang sa kasalukuyan, “ili” ang tawag ng mga Ilokano sa bayan o “pueblo”.
Para naman kay Salazar (1992:10), na nabanggit sa aklat ni Salazar (2006:13), “vanwa” ang tawag ng mga Ivatan ngunit tila nawala ito sa mga Ilokano, ngunit may “banuar“ ang mga ito, tulad ng makikita sa ekspresyong “banuar/banwar ti ili” o “bayani ng bayan” na malamang ay maiuugnay sa “vanua”/ “ vanwa” ng Ivatan bilang lugar sa batuhan na nagpapapasok / gumigiya mulang dagat patungo sa dalampasigan. Isang kahulugan din ng “banuar” ay patibong na gumigiya sa mga isda para mahuli ang mga ito. Tulad ng vanwang Ivatan, bagamat mas malaki ito “patibong” bilang lugar na pinagdarausan ng ritwal (vanu-vanwa) o seremonyal na inihahandang vanua/vanwa para papasukin sa mga isdang arayu. Binigyang kalulugan ang “bawar” na Iluko bilang bayani at pinuno ay gumigiya sa kanyang mga tauhan tungo sa nararapat gawin ng mga ito, katulad ng tungo sa “vanwa” ng Ivatan, para sa kapakanan ng ili.
Nakatala rin ang salitang banwar sa binagong edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino (2010). Binigyang kahulugan ang salitang banwar ng mga Ilokano bilang bayani. Isa itong pangngalang salita.Samantala, ang salitang mannalon ay isang katutubong Ilokanong salita na ang ibig sabihin ay magsasaka. Mannalon ang tawag ng mga taga Llanera sa mga magsasakang nagtatanim ng palay at gulay. Ginagamit din ang salitang ito sa Ilocos Norte kung saan ng ipinagdiriwang dito ang Mannalon Festival tuwing huling linggo ng Marso. Isinasagawa ang pagdiriwang bilang pasasalamat ng mga Ilokano sa masaganang ani ng tabako at palay ng mga magsasaka. (https://www.philstar.com/opinion/2008/04/05/54114/rice-festivals)
Gayundin naman ang bayan ng Cordon, Isabela, ginamit din ang salitang mannalon sa kanilang pagdiriwang ng sariling kapistahan. Kilala rin ang bayan ito bilang tirahan ng mga Ilokano kung kaya’t mannalon ang katawagang ginamit para sa salitang magsasaka. Tinawag din nilang Mannalon Festival ang kanilang pagdiriwang. Nakatuon ang kanilang pagdiriwang sa pasasalamat sa masaganang ani ng palay at ang mga aktibiti ay binubuo ng pagtulong sa mga mamamayan. (https://rmn.ph/mannalon-festival-sa-cordon-isabela-kasalukuyan-parin/)
Dahil na rin sa kinikilala ang naging gampanin ng mga “mannalon o magsasaka“ sa bayan ng Llanera bilang mga bayani mula noong panahon ng Himagsikang Kastila at Pilipino hangang sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano at sa kasalukuyan, ninais ng mananaliksik, bilang kabahagi sa pagbuo ng festival, na angkatin ang kahulugan ni Salazar (2006), sa “banuar / banuar ti ili” o “bayani ng bayan”.
Sa ganang ito, nabuo ang salitang Banuar A Mannalon dahil sa pagkakabit ng salitang Banuar at Mannalon o Bayani at Magsasaka. Dito lumutang ang konsepto ng isang festival na tinawag na Banuar A Mannalon Festival o Bayaning Magsasaka Festival.
Nakatala sa kasaysayan ng bayan ng Llanera na may malaking ambag ang mga magsasaka sa pamumuhay at pag-unlad ng mga tao at ng bayan. Simula noon hanggang sa ngayon, kinikilala pa rin ang kontribusyon ng mga magsasaka sa bayang ito. Dahil sa kabayanihan ng mga magsasaka, ninais ng punong bayan na magkaroon ng isang pambayang pagdiriwang na magtatanghal sa sipag, husay, at pagtitiyaga ng mga magsasaka bilang mga bayani noon at maging sa kasalukuyan. Ang pagkakaroon ng isang pangkasaysayang pagtatanghal na itaton ang pagsasadula nito tuwing buwan ng Mayo alinsunod sa kapistahan ng bayan ay nagsilbing sentro ng pagdiriwang. Sa ganang ito, nabuo ang konsepto ng isang festival na tatawaging “Banuar a Mannalon” o “Bayaning Magsasaka”. Sentral ng pagdiriwang ng “Banuar a Mannalon” ang dulansangan bilang isang pangkasaysayang pagtatanghal. Ang “dulansangan” ay natatanging pagdiriwang/festival ng mga Llanerano na nakaugat sa konsepto ng himagasikang naganap sa bayan ng San Isidro. Sa pamamagitan ng pagsasadula ng kasaysayan, sinisikap ng “dulansangan” na maging daluyan ang pagtatanghal sa pagdukal ng identidad at kaakuhan ng kabayanihan ng mga Llanerano bilang mga Novo Ecijano.
Ang DULANSANGAN ay maaaring ipakilala na isang binihisang konsepto bilang isang matapat, masining, masagisag, napapahanon, at makatotohanang paglalarawan ng mga ganap at danas at ng mga kaisipan at damdammin ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang dula na nagiging lunsaran ang lansangan sa kanilang pagtatanghal. Isang salita na kumikilala sa kakayahan ng sining bilang simbolo ng pagtatanghal na kayang buhayin ang mga pangyayaring may temang politikal, ekonomikal, sosyolohikal, panrelihiyon, at historikal. Ang dulansangan ay itatanghal ang kasaysayan, konteksto, organisasyon, at produksiyon ng isang palabas upang makaaliw, makapagturo, makapagpakilos, makapukaw ng damdamin at higit sa lahat makatulong sa pag-ako ng identidad at kabayanihan ng mga Pilipino.
Ang pagsasagawa ng dulansangan sa bayan ng Llanera ay isang pagtatangka sa pag-arok sa kultural na identidad, kabayanihan at nagkakaisang komunidad ng Llanera maging ng Lalawigan ng Nueva Ecija. Sa pagsibol ng Dulansangan at Banuar a Mannalon Festival, nabibigyan ng panibagong hugis ang pagkilala sa kabayanihan ng mga magsasaka ng bayan.
Ang Dulansangan
Sa Lalawigan ng Nueva Eicija, naging makabuluhan ang lansangan sa paghihimagsik ng mga Novo Ecijano laban sa mga Kastila. Sa aklat ni Soriano (1999), Setyembre 2, 1896, Martes, bandang ika-11 ng umaga sa bayan ng Cabiao, dakong Kanluran ng San Isidro, nakahanay ang mga Katipunero sa lansangan; sumakay sa kabayo si Heneral Llanera tumugtog ang nakahilerang banda ng musiko sa kanyang hulihan; at nagsimula nilang lisanin ang Cabiao. Habang patungo ang mga Katipunero sa bayan ng San Isidro, iwinawagayway nila sa lansangan ang banderang pula na tagdan ng kanilang pahihigmasik laban sa mga Kastila.
Nagpatuloy ang paglalakbay. Nagpatuloy ang paghahamok. Sa kung anong daluyong ang giting at gilas, unti-unting nagwagi ang mga kawal Pilipino. Napasok ng mga maghihimagsik ang kwartel ng mga guardia civil at napakawalan ang mga bilanggong Pilipino. Isang madugong labanan sa lansangan sa harap ng Factoria dating tawag sa San Isidro, ang naganap. Malaking tulong ang panlilinlang ng banda 96 na itinatag mismo ni Heneral Llanera na kasama nila sa paglusob sa bahay pamahalaan. Mula noon, naging bukang bibig ang pangalan Mariano Llanera hindi lamang sa Lalawigan ng Nueva Ecija, maging sa buong kapuluan ng Pilipinas. Ang madugong labanan ng mga Pilpino at Kastila na naganap sa lansangan ng San Isidro ay naging bahagi ng kasaysayan. Ang madulang sagupaan ay nagpakita ng kagitingan at kabayanihan ng mga Novo Ecijano.
Isang pagpapatibay na ang dula at lansangan ay may malalim na ugnayan noon pa man. Ang dalawang salitang ito ay naging bahagi ng kasaysayan ng Nueva Ecija. Naging simbolo ang mga ito sa pagkakamit ng mga Pilipino partikular ng mga Novo Ecijano ng kanilang kalayaan. Saksi ang lansangan sa naganap na na madugong ganap ng himagsikan.
SAMAKATUWID, ang dulansangan ay ipinakikilala na bilang isang konsepto/ teorya na sumusuri sa matapat, masining, masagisag, napapahanon, at makatotohanang paglalarawan ng mga ganap at danas at ng mga kaisipan at damdamin ng mga sinauna at kasalukuyang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasagawa ng isang dula na nagiging lunsaran ang lansangan sa pagtatanghal. Tumatanglaw ang konsepto sa pagiging malikhain upang makamit ang kabuuan ng isang bayan o komunidad, ang kasaysayan, ang kultura at ang identidad. Binibigkis ng dulansangan ang pinapangarap ng identidad ng mga Llanerano bilang mamamayan ng Lalawigan ng Nueva Ecija. Pinag-iisa ng dulansangan ang mga saloobin at pangarap ng isang bayang nagnanais magkaroon ng sariling pagkakakilanlan. Naitanghal nito ang kahusayan at pagkamalikhain ng mga aktor, direktor, at tagapagpaganap ng palabas. Sa dulansangan, naiisantabi ang mga hidwaan at politikal na estado ng bayan. Binibigkis ng dulansangan ang mga magkakaibang ideolohiya ng mga mamamayan. Tulong ang teoryang ito sa pagsipat sa nagkakaisang hangarin ng mga mamamayan ng isang bayan. Pinagasama-sama ng dulansangan ang mga tao para sa mithiing magtataguyod sa bayan at mamamayan na maging malay sa kasaysayan, kultura, at sining. Sa indayog ng sining, napalulutang at naibabahagi ng dulansangan ang mga kabayanihan ng mga sinaunang Novo Ecijano at kasalukuyang Llanerano.Kinikilala ng dulansangan ang kakayahan ng sining bilang simbolo ng pagtatanghal na kayang buhayin ang mga pangyayaring may temang politikal, ekonomikal, sosyolohikal, panrelihiyon, at historikal. Ang dulansangan ay itatanghal ang kasaysayan, konteksto, organisasyon, at produksyon ng isang palabas upang makaaliw, makapagturo, makapagpakilos, makapukaw ng damdamin at higit sa lahat makatulong sa pag-ako ng identidad at kabayanihan ng mga Pilipino.