Skip to main content

History of Llanera

ANG PAMAYANAN

Ang bayan ng Llanera ay matatagpuan sa puso ng Lalawigan ng Nueva Ecija. Ito ay may layong 27 kilometro sa hilaga ng Lungsod ng Cabanatuan, 18 kilometro sa timog ng Lungsod ng San Jose, 11 kilometro sa timog kanluran ng bayan ng Rizal at 8 kilometro sa silangan ng Talavera.

Binubuo ang Llanera sa kasalukuyan ng 22 barangay – Bagumbayan, Plaridel, at Victoria sa Poblacion; Inanama, Mabini, Gen. Ricarte, Gen. Luna, Murcon, Casile, San Vicente at Bosque sa Timog; Barangay A. Bonifacio Norte, A. Bonifacio Sur, San Nicolas, Caridad Norte, Caridad Sur, San Felipe, Ligaya, Sta. Barbara, Villa Veniegas, Gomez at Florida Blanca sa Hilaga.

Mayroong 33,493 bilang ng populasyon ang Llanera sang-ayon sa 2007 census at ito ay nasa ikaapat na kategorya ng munisipalidad (4th Class Municipality) sa kasalukuyan.

Ang pangunahing pananim sa bayang ito ay palay ngunit may ilang ektarya ng lupain na nakaukol sa gulayan at iba pang pananim. Sa kabuuang lawak na 11, 626.72 ektarya ng lupain, 90% ang ginagamit sa palayan at ang natitira ay residensiyal, taniman ng gulay at iba pa. Nasasakop ng sistemang patubig (irrigation system) ang 7, 991.73 ektarya dito at ang 1, 089.70 ektarya ay sahod-ulan (rain-fed).

Ang kita ng bayan ay mula sa mga buwis sa lupain, mga lisensya at iba pang establisyimento. Ang sinaunang mamamayan sa lugar na ito noong panahon ng Kastila ay ang mga Negrito na tinatawag ngayong Dumagat. Sila ay itinaboy patungong kabundukan ng mga Kristiyanong tulisan at mga pugante na tumakas mula sa malupit na parusa ng mga Kastila.

Bago pa ang digmaang Kastila-Pilipino, ang lupaing ito ay isang malawak na pastulan ng isang Don Manuel Tinio. Ngunit nang mawala lahat ng kanyang alagang hayop matapos ang digmaan ay pinanahanan ang lugar na ito ng iba’t-ibang mababangis na hayop.

Noong 1912, mga taong walang lupa ang dumating dito na may hangaring magkaroon ng homestead. Nang Makita nila ang masukal na kagubatan ay marami ang nasiraan ng loob ay nagsialis. Kaunti na lamang ang natira upang matupad ang kanilang mithiin.

Taong 1915, si Gobernador Heneral Francis Burton Harrison ay nakarating sa lupaing ito upang mangaso at kanyang napagtuunan ng pansin ang pangangailangang panglupain ng mga naninirahan dito. Sa kanyang pagbabalik sa kanyang opisina ay kaagad niyang ipinalabas ang Proklamasyon bilang 95 noong Disyembre 5, 1915 na naglalaan ng pondong gagamitin sa pagsukat (survey) ng lupaing ito. Si Punong Bayan Emilio Lagasca ay isa sa bumubuo ng Survey Party na naatasang magsukat sa lupain; siya ay nagtatrabaho noon sa Bureau of Lands. Ang lugar na tinawag na Vaca Townsite ay binubuo ng mahigit labing – isang libong ektarya na napaliligiran ng munisipalidad ng San Jose sa Hilaga; ng Rizal sa Silangan; ng Cabanatuan sa Timog, at ng Muñoz at Talavera sa Kanluran. Ang lugar na ito ay may isang burol na tinawag na Tila Payong, na nasa pagitan ng Llanera at Rizal; may ilog, ang Digdig River na nagmumula sa San Jose at bumabagtas sa lugar patungong Talavera; maraming sapa gaya ng Sapang Dibulo, Cabanglesan, Kalisitan, Lagalag, San Mauricio, Murcon, Natan, Tila Payong, Picon at ng Sapang Vaca mula Caridad Sur hanggang Casile.

Taong 1917 nang matapos ang pagsukat ng lupaing Vaca Valley. Ang bawat lote ay may sukat na 20 m. x 50 m. o 1000 metro kuwadrado. Ang unang 18 kalye na 1 km ang haba at 20 m. ang lapad ay binigyan ng mga pangalang hango sa mga orihinal na nagtatag (founders) ng lugar, na sina: G. Pascual Arocena, G. Vicente Belmonte, G. Perfecto Castillo, G. Felipe Corpuz, G. Vicente Esperanza, G. Emilio Lagasca, G. Cirilo Lastimosa, G. Pablo Mendoza, G. Saturnino Pante, Rev. Pablo Paras (pari ng Iglesia Filipina Independiente), G. Ireneo Reyes, G. Benito Rivera, G. Cipriano Salvador, G. Juan Silao, G. Mariano Taguiam, G. Cirilo Tiburcio, G. Felipe Toledo at G. Francisco Vicencio.

Nang mailathala sa mga babasahing pambayan na may ipinamahaging lupain sa Vaca Townsite ay dumagsa ang mga taong naninirahan dito na karamihan ay mga Ilocano. Naghalal din sila ng kanilang opisyales ng baryo na naging Bagong Bayan. Sumunod na suliranin ng mga tao ay kung saang bayan ito pasasakop o paiilalim para kaukulang proteksiyon at pamamahala. Dahil ang baryo Bagong Bayan ay pinakamalapit sa Talavera ay dito ito napasama. Makaraan ang dalawang taon ay lumaki na ang bilang ng populasyon ng baryo at nagkaroon din ng kaunlaran sa lugar: may bahay-tuluyan ng mga dumadalaw na sektang panrelihiyon, may maliit na pamilihan, banda musika, mga tulay at isang paaralan para sa isang guro. Dahil ang isang gurong kailangan ay naipakiusap at nagmula sa Lungsod ng San Jose, ang kapangyarihang nasasakupan/hurisdiksiyon ng Talavera ay awtomatikong kinansela, kaya ang Barrio Bagong Bayan ay nasakop ng San Jose.

Sa unti-unting pag-unlad ng lugar, nagkaroon ng determinasyon ang ilang mamamayan na magharap ng petisyon sa mga kinauukulan upang ang lugar na ito ay maging isang bagong munisipalidad. Taong 1938 nang sila ay unang magharap ng kahilingan kay Presidente Manuel Quezon ngunit ang mga nagsiyasat dito sa lugar ay nagsabing kulang ang mga mamamayan ng pagkukunan ng ikabubuhay.

Gumawa nang paraan ang mga naunang lider upang patunayan ang kamalian ng report at sila ay nabigyan ng rekonsiderasyon. Sila ay nag-ayos ng kinakailangang mga papeles ngunit ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sumiklab kaya ang kanilang misyon ay naantala.

Nang matapos ang digmaan at noong panahon ng liberasyon mula sa pamahalaang Hapon, sa panunungkulan ni Presidente Manuel Roxas ay muling nagkaroon ng pag-asa ang mga mamamayan ng Bagong Bayan ngunit ang naturang pangulo ay biglang binawian ng buhay. Kaya’t ang kanilang mga papeles ay naidulog kay Pangulong Elpidio Quirino nang siya ang manungkulan. Marami munang nilapitan ang mga lider na nag-aayos ng mga papel upang ito ay maaprobahang maging bayan at sa kasamaang-palad ay hindi pinagtibay ang kanilang kahilingan sa kadahilang walang sapat na pondo para sa mga sahod ng magiging empleyado ng munisipyo. Maging ang mga kalapit-bayan ng baryong ito ay tumututol din kaya’t ang mga lider ay umuwi nang bigo.

Muling nagkaroon ng pag-asa ang baryo nang kumandidato si naging Pangulong Ramon Magsaysay. Si Gobernador Juan Chioco ng Lalawigang Nueva Ecija, na siya ring pangulo ng Nacionalista Party sa lalawigan ang tumawag kay G. Emilio Lagasca at kay Rev. Pablo Paras (isang pari na may malaking naitulong sa pagbibigay ng donasyon at iba pang pangangailangang material ng mga founders) para sa isang pagpupulong sa Cabanatuan. Kanilang pinag-usapan na tulungan/suportahan si G. Magsaysay sa kanyang kandidatura dahil ito ay nangangako na tutulungan niya ang Bagong Bayan upang mapagtibay itong maging bayan kung siya ang magiging pangulo ng bansa. Si Presidente Ramon Magsaysay ay umani ng malaking boto sa Bagong Bayan at ang mga mamamayan dito ay hindi binigo ng nabanggit na pangulo. Ang Kinatawan ng Ikalawang Distrito ng Nueva Ecija na si Congressman Celestino Juan ay sinabihan ni Pres. Magsaysay na magharap ng panukalang-batas upang maging bayan ang naturang baryo. Ang panukalang batas ay agad na iniharap at sa loob ng dalawang linggo ay naaprubahan ng Kongreso. Ang Panukalang-Batas Bilang 1735 ay ipinadala kay Pres. Magsaysay upang pagtibayin. Ang Batas Republika Blg. 1221 ay pinagtibay at nilagdaan ng Pangulo ng bansa na nagsasaad na ang dating baryo Bagong Bayan ay isa ng Bayan ng Llanera. Hinango ang pangalan ng bayan sa pangalan ng magiting na rebolusyonaryo ng himagsikang si Hen.Mariano Llanera.

Pinangunahan nina Gob. Chioco at Cong. Juan ang pag-aatas ng mga pagkakatiwalaan ng bagong tatag na bayan. Ang mga naitalaga ay nanumpa sa panunungkulan sa harap ni Pangulong Magsaysay. Noong Hunyo 1, 1955 nagsimulang nanungkulan ang mga nahirang na opisyales sa bahay-pamahalaan na itinayo sa sentro ng plasa (sa kinatatayuan ng monument ni G. Emilio Lagasca sa ngayon).

Ang mga kinakailangang kagamitan ng mga kawani ng bayan ay binalikat muna ng Mayor, Vice Mayor at mga Konsehal hanggang sa maigawan ng paraan at magkaroon ng kaukulang pondo.

Ang unang inasikaso ng mga naupong opisyales ng bayan sa unang anim na buwan ng kanilang panunungkulan ay ang paggawa ng mga daan mula sa Poblacion patungong mga baryo. Sumunod dito ang pag-aayos ng bubungan ng mga unang paaralan na dating yari sa kugon. Pangatlo, ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lugar kaya nanghiram muna ng mga sandata (firearms) sa Provincial Commander ng Cabanatuan. Pang-apat ay ang paghahati-hati ng mga baryo sa mga Konsehal upang maging madali ang pag-uulat ng kalagayan ng mga lugar na kanilang nasasakupan. Ang mga baryo na nasasakupan ng munisipalidad ay ang San Felipe, Caridad Norte, Caridad Sur, San Nicolas, A. Bonifacio, Ligaya (dating Parang Mangga), Sta. Barbara, Gomez, Florida Blanca, Mabini, Gen. Ricarte, Gen. Luna, Murcon, Casile, Inanama at San Vicente.

Ang bayan ng Llanera noong simula ay nasa pinakamababang klasipikasyon ng munisipalidad ngunit sa pagtatapos ng panunungkulan ni punong Bayan Emilio Lagasca noong 1959, ito ay naingat ng kategorya. Matatawag na “historical landmarks” ang punong Acacia na matatagpuan sa loob ng Municipal Plaza – dahil ito ang nagsilbing saksi sa pagkakaroon ng unang paaralan sa lugar, at ng bahay-pamahalaan at himpilan ng pulisya na dito rin unang naitayo at ang batong marker na kung saan nakatala ang mga pangalan ng mga taong nagtatag sa Llanera (pioneers/founders) at ng unang mga opisyales na nanungkulan sa bayan.

Ang unang maliit na palengke noon ng nayon ay nasa kinaroroonan ng kasalukuyang pamilihang bayan.

Mula sa simpleng pamumuhay, ang karamihan sa mga mamamayan ay nakapagpagawa na ng mga konkretong bahay at sumagana din ang kabuhayan mula sa pagsasaka.

PAGBABAGO SA EDUKASYON

Ang unang paaralan ng Llanera na yari sa sawali at kugon ay nakatayo sa malapit sa punong acacia sa loob ng plaza. Noong araw ay walang gaanong nakapag-aral dahil ang paaralan ay hanggang elementarya lamang. Ang ilan na nagpatuloy ng pag-aaral ay pumasok sa mga paaralan ng kalapit-bayan: Rizal, Talavera, San Jose at Cabanatuan. Naging suliranin din noon ang kawalan ng mga sasakyan; kapag naiwan ng biyaheng kalesa, kareta o kariton ay mapipilitan ang tao na maglakad sa pagpunta sa mga karatig-lugar. Nang lumaon hanggang sa kasalukuyan ay maraming nagkaroon ng sariling mga sasakyan ang mga mamamayan ng Llanera.

Sa ngayon ay may lima nang pampublikong mataas na paaralan ang Llanera – ang Vaca Valley High School na ngayo’y Llanera National High School, A. Bonifacio High School, Gen. Luna High School, San Felipe Integrated School at Sta. Barbara Integrated School. Mayroong mga paaralang primarya o elementarya sa bawat barangay o sitio.

KULTURA

Katulad ng pagkakayari sa kauna-unahang bahay-pamahalaan at paaralan, ang mga sinaunang tahanan ay yari sa kawayan, sawali at kugon at may hagdan na aakyatan mula sa lupa patungong kabahayan. Hindi naglaon, mula sa sinaunang yari ay nakapagpatayo ang mga naninirahan dito ng bahay na mataas na masasabing may impluwensiya ng Kastila o Spanish style na tirahan/tahanan.

Ang sasakyan sa pagtungo sa mga karatig-bayan ay mga biyaheng kalesa, kareta o karitola. Nang tumagal, hanggang sa kasalukuyan ay marami nang nagkaroon ng sariling sasakyan at nagkaroon na ng mga biyaheng sasakyan na hindi na katulad ng mga nauna.

Sa pananamit, ang mga kalalakihan noon ay nakasuot ng polo at pantalong “gris” (slacks); ang mga kababaihang matatanda ay naka-kimona at saya. Ang mga kadagalahan/kabataan ay nakasuot ng bestida o nakapaldang lampas-tuhod at blouse. Kapag may okasyon, gaya ng sayawan, ang mga lalaki ay naka-long sleeves polo o trubinize na pang-itaas at sila ay nakasapatos; ang mga babae ay nakabestida na maluwang mula sa bewang pababa, may balabal na bandana sa balikat at naka-step-in o bakya. Dahil sa wala pang daloy ng kuryente sa lugar, ang gamit na ilaw ay gasera at “Coleman” (gas lamp).

Ang tumutugtog sa mga sayawan at iba pang kasayahan ay rondalla o string band at wala ring mikroponong ginagamit.

Ang mga mamamayan ay sanay sa paglalakad kahit na gaano kalayo ang pupuntahan dahil sa kawalan ng sasakyang magagamit.

Ang isang yumao/namatay ay hindi matagal na pinaglalamayan. May mga bagay na sinusunod ang pamilya ng namatay habang may lamay o nakaburol pa: walang sugalan, hindi magtatrabaho ang pamilya kundi ang mga kamag-anak lamang, bawal ang paliligo, bawal ang pagwawalis at masamang kumain ng maasim at butil-butil tulad ng munggo, mais, buto ng sitaw at katulad. Ang pinakamalapit na kaanak ng namatay (kapatid/ama/ina/anak/asawa) ay may panyong puti na nakatali sa noo at ang isang dulo ay kagat-kagat ng naulila.

Sa pamamanhikan, ang buong angkan ng lalaki ay pupunta sa bahay ng babae, may dala-dala silang alak at kakanin at sila rin ang maghahain ng kanilang dinala. Kung ang dote para sa ipagkakasundo/ipakakasal ay hindi mapagkakasunduan ng magkabilang pamilya muling babalik ang pamilya ng lalaki sa ibang araw hanggang sa maitakda ang kasal.

PAGKAKAMAG-ANAKAN AT SAMAHAN

Bagaman ang nakararaming unang mamamayan sa lugar ay mga Ilokano, naipapaalam ang paggalang sa pamamagitan ng iba’t-ibang katawagan gaya ng:

Ading – para sa nakababatang kapatid, kamag-anak o kakilala

Manong – nakatatandang lalaking kapatid, pinsan o sinumang kakilala

Manang – nakatatandang babaeng kapatid, pinsan, kamag-anak o kakilala

Kayong – bilas

Apid – pinsang makalawa (second cousin)

Nanang, Tiyang, Iket – sa mga tiyahin/auntie

Tiyong, Uliteg – sa mga tiyuhin/uncle

Inang – sa ina

Tatang – amang sa ama

Apong – sa mga lolo o lola

NATATANGING MAMAMAYAN NG PAMAYANAN

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga unang mamamayan ng Baryo Bagong Bayan na may naging bahagi sa pagiging isang Bayan ng Llanera:

Arocena, ConsejoLastimosa, Damian
  
Arocena, PascualLastimosa, Guillermo
  
Balaba, JulianMata, Francisco
  
Belmonte RupertoMendoza, Hermogenes
  
Belmonte, VicenteMendoza, Tomas
  
Cabacungan, InocencioNatividad, Eusebio
  
Castillo, JuanNatividad, Ireneo
  
Castillo, MarceloOngsingco, Agustin
  
Corpuz, BuenaventuraOrdinario, Saturnino
  
Corpuz, FelipePabalate, Jose
  
Corpuz, RufinoPante, Isidro
  
Esperanza,VicentePante, Juan
  
Fabros, AgustinPante, Saturnino
  
Fabros, JosePante, Timoteo
  
Felix, EufrocinioParas, Rev. Pablo
  
Felix, EusebioRamos, Eusebio
  
Felix, FidelRamos, Rufino
  
Felix, VictorReyes, Ireneo
  
Garcia, AlejandriaReyes, Maxima
  
Garcia, CrispinRivera, Nicolas
  
Gonzales, JoseSalvador, Cipriano
  
Hernaez, AnicetoSantos, Andres
  
Labiano, VictorSernadilla, Roberto
  
Lagasca, EmilioSilao, Juan
  
Lagasca, GeronimaTaguiam, Mariano
  
Lasquete, InocencioTiburcio, Cirilo
  
Lastimosa, ApolonioTiburcio, Ireneo
  
Lastimosa, AurelioTiburcio, Venancio
  
Lastimosa, CiprianoToledo, Felipe
  
Lastimosa, CiriloVicencio, Francisco

“Ito ay akda ni Melba Joy Balunes-Talens”

Official Website of Municipality of Llanera