
4-NA BANTAYOG SA LLANERA, PINASINAYAAN
Bantayog ng Sulong Llanera, Gen. Mariano Llanera, Dr. Jose P. Rizal at Unang Sigaw ng Nueva Ecija
Llanera, Nueva Ecija, Set 2, 2023: Kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-127 taon ng ”Unang Sigaw ng Nueva Ecija”, nitong Sabado,pormal na napasinayaan ang apat na mga bantayog ng mga bayani na naitindig sa bayan ng Llanera.
Pinangunahan ang pasinaya ni Mayor Ronnie Roy Pascual, Vice Mayor Hermogenes Tadiaman, Jr., kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Llanera, mga kawani ng munisipyo, mga opisyales ng barangay at mga panauhin.
Unang pinasinayaan ang Bantayog ng ”SULONG LLANERA” na matatagpuan sa Brgy. Mabini, sa bukana o pagpasok ng kabayanan na nagsi-simbolo ng mga magsasakang Llanerano bilang mga makabagong bayaning magsasaka na binibigyang pahalaga ng kasalukuyang administrayon ni Mayor Ronnie Roy Pascual.
Kapansin-pansin na nasa ibabaw ng kalabaw ang rebulto ng mga magsasaka na itinataas ang may nakaukit, na”Welcome sa Bayan ng Llanera.
Isinunod ang ”blessing’ ng Bantayog Ng Pambansang Bayani ng Pilipinas, Dr..Jose P. Rizal at ang Bantayog ni Gen. Mariano Llanera,(Ang bayaning pinagkunan ng pangalan ng bayan ng Llanera) isang matapang na heneral na nanguna sa rebolusyon laban sa mga Kastila.
Panghuli at pang-apat na pinasinayaan ang Bantayog ng mga Bayani ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija na kung saan ginanap ang napakahalagang programa na nagtatampok sa kasaysayan ng Unang Sigaw at sapagsasadula ng mga naganap noong nakaraang panahon ng himagsikan.
Sa pamamagitan ng Dulansangan na ginampanan ng mga kabataang babae at lalake na pawang mga mag-aaral sa high school sa Llanera nabigyang buhay at sinariwa ang mga pinagdaanang hirap at pagbubuwis ng buhay ng ating mga bayani at mga ninuno kung paano nakamit ang Kasarinlan ng Nueva Ecija at ng bansang Pilipinas.
Napag-alaman na sa pagsisikap at pangarap ng butihing mayor ng Llanera, natupad na maitindig ang mga bantayog.
Napag-alaman din na sa bayan lang ng Llanera matatagpuan ang Bantayog ng Unang Sigaw ng Nueva Ecija na isa sa mga inaasahang magiging tourist attraction ng lalawigan.
Naging panauhing pandangal at tagapagsalita si Dr. Emmanuel Franco Calairo, Chairman, National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Nagpaabot din ng pagbati sa Bayan ng Llanera si Mayor Ramir B. Rivera ng Cabiao, Nueva Ecija, kung saan isinilang si Gen. Mariano Llanera. Ayon sa text message ni Mayor Rivera kay Mayor Ronnie Roy Pascual kanilang ipinagdiriwang sa Cabiao ang Llanera Day, dahilan upang hindi siya personal na makadalo sa pagtitipon sa bayan ng Llanera. Gayunman kanyang ipinadala na naghatid ng mensahe si G. Solomon De Guzman, Municipal Administrator ng nasabing bayan.
Sa pagbibigay naman ng mensahe ni Mayor Ronnie Roy G. Pascual, bumuhos ang ulan na tila ‘shower of blessings’ na hindi nakapigil sa butihing Punong Bayan na ipagpatuloy ang talumpati. Kanyang binanggit na napakahalaga ng ating kasaysayan na dapat na mahalin. at hindi dapat kalimutan ang ating mga ninuno at mga bayaning nagbuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan ng bayan.”Ang mga Bantayog na ating naipatayo ay magsisilbing inspirasyon at tagpagpaalala sa atin ng mga sakripisyo ng ating mga bayani. Tapos na po at naging tagumpay ang pakikipaglabang ginawa ng ating mga magigiting na bayani at mga ninuno. Hindi na tayo hahawak ng baril o itak upang makipagpatayan sa mga manlulupig tulad ng nangyari sa nakaraang panahon.Sa halip ang ating pakikipaglaban sa ating kasalukuyang panahon,ang ating pagkakaisa sa paglaban sa kahirapan, para sa pag-unlad ng ating mga pamilya upang masiguro ang magandang kinabukasan ng ating mga anak at para sa pag-unlad ng ating kabuhayan at sa tuloy-tuloy na Pagsulong ng bayan ng Llanera.’